Sa ilalim ng bagong pamumuno SDO Imus City, nagbukas ng pinto sa Regional ManCom
Teacher III, Imus Pilot ES, SDO Imus City
Naging daan ang Schools Division of Imus City upang maisakatuparan ang kauna-unahang Regional Management Committee Meeting (ManCom) sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Wilfredo E. Cabral na ginanap sa Youth Formation Building ng Imus Pilot Elementary School ngayong Pebrero 6.
Sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Rosemarie D. Torres, mainit niyang tinanggap ang mga kapwa pinuno ng DepEd Region IV-A CALABARZON sa taunang ManCom kung saan pinag-usapan ang iba’t ibang isyu, programa at proyekto ng rehiyon.
Sinabi rin niya na sa kabila ng mga dinaraanang mga pagsubok sa DepEd tulad ng pagputok ng Bulkang Taal at pagkalat ng Novel Corona Virus (NCoV), ito ang pagkakataon upang magsama-sama ang mga pinuno ng bawat dibisyon upang makabangon at masolusyunan ang mga suliraning kinahaharap.
“We are standing on the same ground. In spite of all odds, we remained connected amidst all these difficulties and challenges,” ani SDS Torres.
Dagdag pa niya na patuloy na nagkakaisa sa iisang layunin ang rehiyon na maisulong ang programang EduKalidad na may misyong maipagkaloob ang produktibo at dekalidad na edukasyon na nararapat na makamit ng mga mag-aaral.
“We are called on the same purpose. Let’s continue our mission to have a productive and quality education. Let’s survive all the challenges we may be facing in the future,” aniya pa.
Inaasahang sa tulong ng ManCom, matagumpay na maisasagawa at maipatutupad ng bawat dibisyon ang mga inilatag na proyekto.
“Lahat tayo ay bida. Walang kontrabida. Tara na at magkaisa para sa masaya, mapayapa at matagumpay na edukasyon,” aniya pa.